Linggo, Setyembre 22, 2013



 ULAN


Pag tag-ulan ang bahay namin ay napupuno ng insekto. Wala kasi kisama ang ibang bahagi nito na dinadaanan ng mga sari-saring insekto at kulisap.  May salagubang, sasamba (praying mantis) tutubi at kung ano ano pa. pero pagdating ng umaga ang mga maliit na patay na insekto nalang ang makikita mo sa sahig.

Marami rin kaming kaibigang butiki, na sinasamanlala ang mga insektong pumapasok sa bahay. Ayaw maniwala ni misis ng sinabi ko sa kanya na mayroong butiki na nalawang buntot akong nakita. Siguro kung ang maga butiking iyon ay naging malalaking tuko noong panahong naloloko ang mga tao sa tuko ay mayaman na kami at di ko na kaylangang mag abroad.

Pag sinindihan naman ang ilaw namin sa harap ng bahay maghintay kalang ng ilang sandali ay magkakaroon na ng palaka para manginain. Dati inis na inis ako sa mga palakang malalaki ngunit ngayon ay naaawa ako pag may nakikita na nasasagasaan sa kalsada. May palakang maliit pero parang baka kung kumokak o humuni.

Minsan tuloy parang ayaw kong matulog ng gabi. Gusto kong pagmasdan sila na natutuwa sa mga mumunting liwanag at sa mga patak ng ulan.

Pagkatapos ng ulan para bang ang lahat ng paligid ay kay linis, kaysarap maglakad sa kalsadang nasa kabukiran. Makakahinga ka ng maluwag.