Pak...Kalapak ... Manggang Bitak,
Bog...Kalabog...Manggang Hinog
Marami na namang kalat na dahong tuyo ang mga mangga. Matapos nitong magbunga sa kadahilanang nagpapalit na ito ng dahon. Sumisibol na ang mga murang dahon kaya ang mga magugulang at madilaw ng dahon nito ay unti-unting nagpapaalam sa mga sanga. Nasa mahigit na sampung puno ang mga ito.
"Parang may ulan na pumapatak sa mga dahon". Subalit wala namang patak. Kaya tiningnan ko ang mga bagong dahon nito. Nabigla ako puro insekto, tinatawag na ngusong kabayo. Matapos ang anihan ng palay ay lumipat ang mga ito sa
mga punong kahoy.
Kaya pala sa tuwing hapon ay kay daming timpapales o langay-langayan na umiikot sa aming bakuran. Marahil ay nanginginain ng mga insekto. Nakakatuwa itong pagmasdan... wala silang kapaguran sa paglipad.
Sa gitna na aming bakuran ay may isang matandang puno ng mangga na sa pakiwari namin ay nasa mahigit isang daang taon na. Punong ginagawang katatakutan ng mga nakatira sa paligid namin. May Kapre daw ditong naninirahan. Pati si tatay ay marami ring kwento. Nang mabangal o mabali ang malaking sanga nito ng
walang malakas na hangin o ulan, ay sinasabi na umalis na ang Kapre na namamalagi sa puno.
Natutuhan na naming mahalin ang matandang punong ito kahit di na nagbibigay ng maraming bunga. Sa umaga nagiingay na ang kasaykasay "Kingfisher" na ibong nasa itaas nito. Sa magtatanghali nandoon naman ang mga Maria Capra na nagpapalipat lipat sa mga sanga. Naaakyat ng mga anak ko at ng mga bata nilang kalaro ang sangang halos nakasayad sa lupa. Kung minsan kinakausap ko sinasabihan ko ng problema.
May bahid din ng awa sa puno pagnakikita ko ang mga pinagdaan
ng mga nabangal nitong sanga.
Alam kong darating din ang panahong magpapaalam siya, katulad ng mga punong matatanda sa palagid namin na nauna nang lumisan. Sa kadahilanang ang karamihan nito ay wala ng laman ang parteng ubod ng puno o butas na.
Pag sobrang kulit ng mga anak ko pag gabi na ay binibiro ko na dadalin ko sa puno ng mangga. At magtitinginan ang mga ito at iiling.
Pagdating ng panahon alam kong maaalala rin nila pag nawala na ang punong ito. Na minsan ay may isang malaking punong mangga na sa araw ay kalaro nila at pag dilim ay kinatatakutan na.
Kaya lang sa panahong iyon limot na siguro ang awit na ipinamana ng aking mga ninuno..."Maria Capra magsayaw ka, sa ituktok ng kareta. Bibigyan kita ng isang pera. Pambili mo ng baro't saya. Sayang pula..tatlong pera, Sayang puti...tatlong salapi, Bog.. Kalabog mangang hinog...Pak Kalapak manggang bitak".