Linggo, Hulyo 28, 2013



Lipad

Mahaba ang araw... alas 6:00PM  na mataas pa ang araw. Tapos na rin ang oras ng trabaho. Lakad-lakad iyon ang nasa isip ko kaya pag dating sa highway ay bumaba ako naglakad 
papuntang Haraj (harrads-ang bigkas nila)

Sa halip na bilisan ko ang paglakad ay napalinga ako sa canal (malapad at parang daanan ng irrigation  subalit kaunting tubig lang na marumi ang dumadaloy). May mga ibon ibat-ibang ibon na naginginain marahil ng mga insektong nabubuhay at nagpupunta sa tubig.

Napahinto ako at pinagmasdan ang mga iyon. Nakatutuwa na kahit sa halos sa katabi nitong kalsada na maraming truck at at sasakyan ang dumadaan ay panatag lang sila sa paghahanap ng pagkain. May maliliit na parang langay-langayan, may mahaba ang paang parang tikling, may puting may halong kaki na mas malaki sa kalapati at may parang tagak na itiman.

Maikumpara ko tuloy na mas mabuti pa ang mga ito di nababalisa. Kung ang tubig ng kanal ay may lason o wala. kung may taong babato sa kanila. Kung maingay man ang nagdadaang mga sasakyan. Kung anong oras na para magmadali... at kung anu...ano pa.

Malaya nilang nalalakbay ang kalawakan, nakakapunta o magmigrate sa ibang lugar na di kailangan ang mga papeles upang humanap ng pagkain at mabuhay. Hindi na kailangan ang passport at nga kabawalan na ginawa ng tao.

Sa paglipad mo na gaya ng ibon ay marami ka bang kasama,
O nagiisa ka na tumatahak at naglalagalag upang sa dapithapon ay bumalik sa pugad.


Lunes, Hulyo 8, 2013


Nobela

Ang salitang bestseller ay napallitan na ng number of  followers o viewers o number ng likes at shared. Ang mga alamat at kwento ay di na binabasa, kundi pinanuuod o pinakikinggan sa YouTube.

Unti-unti nang tinatakpan ng ulap ang mga Love Story nila Neriz, Cabral, Bautista at iba pa na paborito ng mga teenager noon. Mga pocketbook na Pilipino na nag papakilig sa damdamin ng mga dalaga ng 90's.

Naalala ko ang aking asawa na adik-adik noon sa pocketbook. Bumibili, nanghihiram at nagpapahiram at kung minsan pag galing ako ng Maynila at napunta sa National Bookstore ay bumibili ng ilang piraso para pasalubong.

Isang araw may kausap na matandang lalaki si misis. Kaya ng umalis ito ay tinanong ko kung sino.  "Si Ka Renato ( di tunay na pangalan)" "Bakit nagpunta sa iyo" "Kasi di pinapansin ng mga anak, nag sisentimento" at doon ko nahimay ang isang nobela na aabangan ang katapusang kabanata.

Napag-alaman ko na naging isa itong nobelista. Kumita sa mga kuwento na kanyang ginawa. Subalit gaya ng mga nobela dumating ang panahon at nasubok ito ng buhay natangay sa magagandang kabanata nagkaroon ng ibang pamilya at di napagtuunan ang mga anak sa tunay na pamilya.
Kaya ng dumating ang panahon na   mamimili sa sangang-daan sa pagpunta niya sa dapit-hapon  ng buhay ay natanto ang kanyang pagkakamali at bumalik sa dating tahanan.

Hindi naging madali, hindi ito naging magaan. Hindi nya rin masisi ang mga anak kung bakit di kaagad matangap.

Lumipat na kami ng ibang bayan ni misis sa aming tahanan ngayon. Pero ang kwento ni Ka Renato ay di ko na alam. Kung ang kanyang kwento ng buhay ay naging katulad ng mga happy ending na nobela niya. Di ko naman tinatanong si misis baka kasi isipin na nanghihimasok  ka sa buhay ng iba.
Kaya lang  tulad ng pagbabasa ng nobela nabitin ako dahil napilas at nawala ang mga huling pahina.