Nobela
Ang salitang bestseller ay napallitan na ng number of followers o viewers o number ng likes at shared. Ang mga alamat at kwento ay di na binabasa, kundi pinanuuod o pinakikinggan sa YouTube.
Unti-unti nang tinatakpan ng ulap ang mga Love Story nila Neriz, Cabral, Bautista at iba pa na paborito ng mga teenager noon. Mga pocketbook na Pilipino na nag papakilig sa damdamin ng mga dalaga ng 90's.
Naalala ko ang aking asawa na adik-adik noon sa pocketbook. Bumibili, nanghihiram at nagpapahiram at kung minsan pag galing ako ng Maynila at napunta sa National Bookstore ay bumibili ng ilang piraso para pasalubong.
Isang araw may kausap na matandang lalaki si misis. Kaya ng umalis ito ay tinanong ko kung sino. "Si Ka Renato ( di tunay na pangalan)" "Bakit nagpunta sa iyo" "Kasi di pinapansin ng mga anak, nag sisentimento" at doon ko nahimay ang isang nobela na aabangan ang katapusang kabanata.
Napag-alaman ko na naging isa itong nobelista. Kumita sa mga kuwento na kanyang ginawa. Subalit gaya ng mga nobela dumating ang panahon at nasubok ito ng buhay natangay sa magagandang kabanata nagkaroon ng ibang pamilya at di napagtuunan ang mga anak sa tunay na pamilya.
Kaya ng dumating ang panahon na mamimili sa sangang-daan sa pagpunta niya sa dapit-hapon ng buhay ay natanto ang kanyang pagkakamali at bumalik sa dating tahanan.
Hindi naging madali, hindi ito naging magaan. Hindi nya rin masisi ang mga anak kung bakit di kaagad matangap.
Lumipat na kami ng ibang bayan ni misis sa aming tahanan ngayon. Pero ang kwento ni Ka Renato ay di ko na alam. Kung ang kanyang kwento ng buhay ay naging katulad ng mga happy ending na nobela niya. Di ko naman tinatanong si misis baka kasi isipin na nanghihimasok ka sa buhay ng iba.
Kaya lang tulad ng pagbabasa ng nobela nabitin ako dahil napilas at nawala ang mga huling pahina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento