Linggo, Hunyo 23, 2013



pentimento |ˌpentəˈmentō|
noun ( pl. -menti |-ˈmentē|)
a visible trace of earlier painting beneath a layer or layers of paint on a canvas.

Nahilig din ako sa libro, sa pagbabasa noong binata pa ako, pag walang  ginagawa. Nagkakalkal at tumitingin sa mga paperback na walang takip, may water damage at kung ano ano pang pagkasira na di naman nakaka apekto sa mga panloob na pahina ng libro.

Nakabili ako noon ng lumang libro at ito ang title "Pentimento". Ang pakikisalamuha ng novelista sa bawat bahagdan ng buhay, Maikukumpara natin na minsan lahat tayo ay pintor na binigyan
ng isang canvas, isang set ng pinta na lahat ng kulay ay naroon, mga brush at kung ano ano pang kailangan sa pag-guhit.

May gumuguhit na diretso at tiyak na ito ang kanyang gusto. May ilan namang nagbubura dahil di alam kung anong ang gustong iguhit sa dami ng idea at nasa isip. Ang iba naman ay halos tapos na ang naipinta at ito ay buo na ngunit nagbago ng pagiisip at pinatungan ng panibagong  pinta ang natapos na na obra.

Sa paglipas ng panahon kung minsan ay gusto mong balikan ang mga simpleng guhit ng buhay, ngunit di mo na magawang makita ang tunay na kulay nito. Naaaninag mo pa rin sa isip at gunita subalit di tulad ng dati na napakalinaw dahil may bahid at patong na ng kasalukuyang  kulay ng buhay.

Martes, Hunyo 18, 2013




LP at CD

Sabihin mo man na ayaw mo ng pagbabago wala kang magagawa
kundi tanggapin ito. Masasabi mo ring mapalad ka at may silbi kung tinatanong ka ng anak mo kung ano iyon o ano ito at naipaliliwanag mo ng tama. 

Nagkwento sa akin ang anak ko tungkol sa Aratiles. Tinanong sila
kung sino ang di pa nakakaalam noon.  Tama ka, meroon kahit sa probinsya. Di naman nakapagtataka, kasi iba na ang panahon nila, marami na rin kasi na nasa probinsya ang nangungupahan at ang iba naman ay halos wala ng lugar ang mga halaman. Kaya ang aratiles na di mo nakikita sa palengke at tindahan ay di mo malalaman.

Bakit ba ako nanghihinayang sa mga panahon na uso pa ang plaka na 45 ( isang kanta lang bawat side). Siguro sa kadahilanang di kami nagkaroon noon at di ko nakuhang magpatugtog sa phono 
hanggang makasira ng karayom (tawag sa bumabasa ng lalim o babaw ng mga animo linya sa plaka). Ang alam ko lang kasi noon pag mag-gragraduation at kasali ka sa sayaw ayon laging meron sa school, na pagka nagasgasan ay paulit-ulit ang tunog. At ang guro na nagtuturo ay  ang tanging alam na  solusyon sa gasgas ay lagyan ng chalk.

Nakarating ako ng bayan noong ako ay High School. Puro lakad lang at kung minsan ay nakaangkas sa bisekleta ng kaklase. Doon may narinig akong tugtog, pero di na galing sa phono kundi sa parang maliit  na aparador at hinuhulugan ng barya. Jukebox ang tawag  pero kung sisilipin mo ay makikita mo parin ang  nga plakang 45 na nakaayos sa loob. 

Pag may Chrismas Party sa school ay mayroon sa bawat room na phono at mga plakang 45.at ganoon lang masaya na. 

Subalit di nagtagal ay halos ayaw ng bumili ng 45 dahil dumating ang LP o Long Playing Records na mas maraming tugtog o kanta anim o higit pa sa bawat side o baligtaran. 

Ilang dekada din ang naging buhay ng LP nagtagal ito hangang 1990's nakipagsabayan sa cassette tapes napatugtog sa mga mobile disco at kung ano anong mixing ang ginagawa. Subalit tulad din ng
manganganta na nalalaos, nagpaalam din ang kanyang kasikatan.

Dumating si CD, Compact Disc, pulido ang tugtog di nagagasgas na akala moy di malalaos. Subalit heto na naiinis ka na rin sa kanya dahil wala ng ispasyo sa bahay o bag para sa kanya.
kaya kailangan mo nalang na magdownload ng kanta na kahit sa mobile phone mo ay pwede ng mapakingan at ulitulitin pa.

Kaya kung magtatanong ang anak ko kung ano ang plastic na itim na bilog na malapad, may butas sa gitna at binibili ng antique collector ng 50 pesos ay may isasagot ako.

Swerte pa rin pala ako dahil nakapagdesign pa ako ng mga cover nito bago mawala sa record bar.

Lunes, Hunyo 17, 2013



Maglakad...Maglakad


Medyo malapit lang ang Harajj (bilihan ng bago at mga second hand na gamit damit at iba pa) sa factory kaya paminsan minsan ay nilalakad ko pag gusto kong pabagalin ang panahon. Wala naman akong siguradong bibilin, basta gusto ko lang maglakad-lakad at tingnan ang mga tinda. Maghalukay kahit di bibili at umupo sa bench pag napagod at
pagdilim ay uuwi na at matutulog.

Nakakainis kasi kung minsan sa accomodation ng kompanya nagsasawa ka rin sa mga kwentong walang pupuntahan o sa panunuod ng TFC the Filipino Channel.

Maraming chocolate kung minsan, mamahaling chocolate... na doon lang ako nakakatikim. Sa kadahilanang nanghihinayang kang bumili sa supermarket dahil sa halip na tikman mo ay naiisip mo ang pamilya mo kaya kailangan mong magtipid . Doon murang mura lang sa  kadahilanang isang buwan o kalahating buwan na lang ay expired na, Subalit  ayos pa naman Swiss o German chocolate pa. Kaya habang naglakakad ako ay tinutunaw ko sa bibig ang chocolate... iba ang lasa malayo sa curly tops at goya.

Doon may sando na 2 riyal 22  pesos naghalukay ako medyo matagal ng stock at ang iba may mantsa pa pero pwede pa madadaan naman sa pang-alis ang  mantsa. May polo na 5 riyal at kung masipag kang maghalukay pag araw ng Huwedes ng hapon at biyernes ay may mga 2nd hand na damit na 2 riyals.

Marami rin ang pinoy na naghahalukay ang iba may dalang sako para lagyan.  Kung minsan tinatanong ko sila kung 
bakit napakarami ng binibili at ang isasagot ay "Pababagahe papuntang Pinas ibibigay sa  mga kamag-anak".. Ganyan ang ibang Pinoy na kahit mababa ang sahod ay halos di na iniisip ang sarili ang iniisip nila ay kung papaano mabibigyan ng konting saya ang pamilya at kamag anak.

Sa paglalakad ko at pag upo sa bench ay marami akong nakuhang kwento nandyan ang tranker driver
na halos iyakan ng anak na umuwi para sa kanyang debut, may iniwan ng asawa pinagpalit sa nakakilala sa internet
na tinatanong pag nagbabakasyon kung may dalang pera sinagot niya ng mga remittance receipt o resibo ng padala
sa kanila.

Minsan ang buhay ay parang walang katapusang paglalakad,  na paminsan-minsan
ay kailangan mong huminto at umupo upang luminga linga at tingnan ang dinaanan na panahon.



Tunay na PACMAN

Kulay dilaw si Pacman. Walang ginawa kundi kumain ng power pellet.
Huwag lang siyang pahuhuli at pasisilo sa mga kalaban at tiyak
itong mabubusog at mag le-level-up.

Oo tama ka laro lang si Pacman... pero gumagalaw siya, kasi may
totoong Pacman akong alam na di na nito kailangang lumakad
upang kumain. Ang mga power pellet na ang pumupunta sa kanya
para kainin at tiyak na mag le-level up ito pag nakakain.

Madaling araw ang departure ko papuntang Saudi, sa kadahilanang
Biyernes Santo ang alis ko, ay nagpasya akong Huwebes pa lang 
ng gabi ay lumuwas na. Katulad ng nakagawian di naman ako nagpapahatid
sa pamilya ko basta sasakay lang ng bus at jeep, ay makakapunta ring sa
airport. Ganoon lagi kaya pakiramdam ko pumunta lang ako ng Maynila.

Pagdating ko sa airport ay umupo ako sa upuan ng mga naghihintay ng oras.
Paminsan-minsan ay napipikit pero di ka naman makatulog.
Doon ko nakita ang tunay na Pacman marami na naman ang power pellete
na kakainin nya. Nagtatanong siguro kayo kung ano ang itsura o mukha
ni Pacman... si Pacman ay di boksingero...di tao..di hayop.. ito ay pintuan.

Habang pinagmamasdan ko ang metal na sign ng Ninoy Aquino 
International Airport ay biglang bumulaga si Pacman. Doon ko na napagisip-
isip na isa na naman akong pagkain niya.  Gusto kong tumakbo palayo sa
kanya pero ang isip ko ang nagdidikta na kailangan mong ipakain ang
sarili mo para mabuhay ang iba ... na di mo rin tiyak sa pagdaan ng panahon 
ay kakainin din ni Pacman. IMMIGRATION door ang tunay na Pacman
na kumakain sa mga papaalis na  OFW (Oversear Foreign Worker).
Tiyak na mag le-level up ito dahil sa pababa at pababang dolyar.

Kaya kung tatanungin mo ako... Naniniwala ako na may Pacman.
Si Pacman ay totoo at nasa ibat-ibang anyo ng buhay. 


Cadena de Amor
Bago ako umalis pabalik sa Saudi,isang araw pagkalipas ng kaarawan ni tatay, ay nagpunta kami sa sementeryo. Pinagmasdan ang puntod ni tatay at lahat ng yumaong ninuno at kamag- anak na nasa nababakurang lupain sa Government Cemetery. Umupo kami sa pader na may kababaan.  Kaming maganak (ang asawa ko at mga anak).
Madawag na, marami nang mga Cadena de Amor na halos matakpan ang lahat ng nitsong nandoon. Hinawi ko ang nasa may tapat ng lapida upang bigyang tanaw ang mga salitang nakasulat doon. Bakit may kurot akong naramdaman, bakit parang ang hirap lumulon? Bakit may bumabalik na mga panahon? Marami pang bakit na kung minsan ang hirap ihanap ng tugon.
Madaling itago at ipakita na wala kang damdamin o imusyon, ngunit sa puso mo ay nandoon ang mga bagay at mga gunita di maipakita ng mukha. Nandoon ang isang baul na pinagtataguan ng kahapon na naglalamnan ng pangarap, pagasa at kasama rin ang lahat ng mga paghihirap at hinagpis.
Pag sinasabi ko sa aking asawa na maganda naman ang Cadena de Amor ay may pang kontra lagi siya. Di ko alam kung bakit ako may ngiti pag nakikita ko ang makapal na bulalak na rosas ng Cadena de Amor, tulad noong bata natutuwa ako sa kulay ubeng bulalaklak ng mga Water Lilies. Ngayon napag isip-isip ko na hindi ang mga bulaklak na ito ang nagbibigay saya kundi ang mga lugar kung saan sila tumutubo . Ang Water Lily, ang dahilan ay ang tabi ng ilog malayo sa mga tao nakaupo ka at pakiramdam mo ay kinukupkop ka ng kalikasan. Ang Cadena de Amor naman ay alala ng sementeryo na pag nandoon ako ang pakiramdam ko ay ako lang ang gising sa gabing natutulog na ang lahat ng tao.
Mahirap magpaalam sa lugar na iyon (sa libingan). Sa lugar na balang araw doon din ako paroroon. Kung saan wala ka ng aalalahanin, kung saan araw araw ay kasama ko na ang Cadena de Amor na tatakip din paminsan minsan sa aking puntod na magbibigay kapayapaan sa aking pagyao.