Maglakad...Maglakad
Medyo malapit lang ang Harajj (bilihan ng bago at mga second hand na gamit damit at iba pa) sa factory kaya paminsan minsan ay nilalakad ko pag gusto kong pabagalin ang panahon. Wala naman akong siguradong bibilin, basta gusto ko lang maglakad-lakad at tingnan ang mga tinda. Maghalukay kahit di bibili at umupo sa bench pag napagod at
pagdilim ay uuwi na at matutulog.
Nakakainis kasi kung minsan sa accomodation ng kompanya nagsasawa ka rin sa mga kwentong walang pupuntahan o sa panunuod ng TFC the Filipino Channel.
Maraming chocolate kung minsan, mamahaling chocolate... na doon lang ako nakakatikim. Sa kadahilanang nanghihinayang kang bumili sa supermarket dahil sa halip na tikman mo ay naiisip mo ang pamilya mo kaya kailangan mong magtipid . Doon murang mura lang sa kadahilanang isang buwan o kalahating buwan na lang ay expired na, Subalit ayos pa naman Swiss o German chocolate pa. Kaya habang naglakakad ako ay tinutunaw ko sa bibig ang chocolate... iba ang lasa malayo sa curly tops at goya.
Doon may sando na 2 riyal 22 pesos naghalukay ako medyo matagal ng stock at ang iba may mantsa pa pero pwede pa madadaan naman sa pang-alis ang mantsa. May polo na 5 riyal at kung masipag kang maghalukay pag araw ng Huwedes ng hapon at biyernes ay may mga 2nd hand na damit na 2 riyals.
Marami rin ang pinoy na naghahalukay ang iba may dalang sako para lagyan. Kung minsan tinatanong ko sila kung
bakit napakarami ng binibili at ang isasagot ay "Pababagahe papuntang Pinas ibibigay sa mga kamag-anak".. Ganyan ang ibang Pinoy na kahit mababa ang sahod ay halos di na iniisip ang sarili ang iniisip nila ay kung papaano mabibigyan ng konting saya ang pamilya at kamag anak.
Sa paglalakad ko at pag upo sa bench ay marami akong nakuhang kwento nandyan ang tranker driver
na halos iyakan ng anak na umuwi para sa kanyang debut, may iniwan ng asawa pinagpalit sa nakakilala sa internet
na tinatanong pag nagbabakasyon kung may dalang pera sinagot niya ng mga remittance receipt o resibo ng padala
sa kanila.
Minsan ang buhay ay parang walang katapusang paglalakad, na paminsan-minsan
ay kailangan mong huminto at umupo upang luminga linga at tingnan ang dinaanan na panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento