Cadena de Amor
Bago ako umalis pabalik sa Saudi,isang araw pagkalipas ng kaarawan ni tatay, ay nagpunta
kami sa sementeryo. Pinagmasdan ang puntod ni tatay at lahat ng yumaong ninuno at kamag-
anak na nasa nababakurang lupain sa Government Cemetery. Umupo kami sa pader na may
kababaan. Kaming maganak (ang asawa ko at mga anak).
Madawag na, marami nang mga Cadena de Amor na halos matakpan ang lahat ng nitsong nandoon.
Hinawi ko ang nasa may tapat ng lapida upang bigyang tanaw ang mga salitang nakasulat doon.
Bakit may kurot akong naramdaman, bakit parang ang hirap lumulon? Bakit may bumabalik na
mga panahon? Marami pang bakit na kung minsan ang hirap ihanap ng tugon.
Madaling itago at ipakita na wala kang damdamin o imusyon, ngunit sa puso mo ay nandoon ang
mga bagay at mga gunita di maipakita ng mukha. Nandoon ang isang baul na pinagtataguan ng
kahapon na naglalamnan ng pangarap, pagasa at kasama rin ang lahat ng mga paghihirap at
hinagpis.
Pag sinasabi ko sa aking asawa na maganda naman ang Cadena de Amor ay may pang kontra lagi
siya. Di ko alam kung bakit ako may ngiti pag nakikita ko ang makapal na bulalak na rosas ng
Cadena de Amor, tulad noong bata natutuwa ako sa kulay ubeng bulalaklak ng mga Water Lilies.
Ngayon napag isip-isip ko na hindi ang mga bulaklak na ito ang nagbibigay saya
kundi ang mga lugar kung saan sila tumutubo . Ang Water Lily, ang dahilan ay ang tabi ng ilog
malayo sa mga tao nakaupo ka at pakiramdam mo ay kinukupkop ka ng kalikasan.
Ang Cadena de Amor naman ay alala ng sementeryo na pag nandoon ako ang pakiramdam ko ay ako
lang ang gising sa gabing natutulog na ang lahat ng tao.
Mahirap magpaalam sa lugar na iyon (sa libingan). Sa lugar na balang araw doon
din ako paroroon. Kung saan wala ka ng aalalahanin, kung saan araw araw ay kasama ko na ang
Cadena de Amor na tatakip din paminsan minsan sa aking puntod na magbibigay kapayapaan sa
aking pagyao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento