Huwebes, Disyembre 12, 2013



TUKO

Nangingiti ako pag naalala ang ingay na ginawa ng TUKO milyon daw ang bentahan nito.  Anak ng tuko, sana pala di na ako nag-abroad at naghanap nalang ng tuko. Pinagpilitan ko na lang akyatin ang matandang puno ng mangga kasi may humuhuni roon.

Si Mr. Magno ay naging teacher namin noong Grade 3.  Ang pangyayaring ito ay noong di na niya kami estudyante. Pag magtuturo ito ay inilalagay ang ibang daliri sa likuran ng blackboard. Habang nagtuturo ay napasigaw ng "Arrray".. ayon nakagat ng tuko at dahil sa paghihiganti at galit ay ipinahuli at pinatay ang kawawang tuko at ang naging hantugnan nito ay ang bote na may pormalin para idisplay  sa gilid ng room.

Miyerkules, Nobyembre 20, 2013


Kung Ka-Klase Kita Noong Circa '70


Grade 1- Sa  San Mariano East. Si Mrs. Magbitang pinababasa ako at kinukukuhan ang mga estudyanteng mahaba ang kuko. Nagpadala ng laruan para ipaliwanag ‚" Harmonica‚" ang dala ko. si Nilo ay manyika. Nagka meeting di natuloy. Si Islaw - Wenseslao ay kaklase ko.

Grade 2- Mrs. Valino: New Kid  sa San Mariano West. Bad boy ako sinuntok ko si Ruel Grade 1 kasi inaasar ang pinsan ko. Pati si Elson nakasuntukan ko. si Cristina naitulak ko. ‚"‚I'm very sorry Cristina."May libreng palboron at gatas. libangan manghuli ng tutubi o maghampas ng tipaklong sa school ground. Naglalaro sa mga hukay na may tubig sa daan pag umuulan at uuwi.

Grade 3- Huhulaan mo ang numero na isinulat ni Mr. Magno para ka mag-kalibro. May mga bote sa gilid na may tubig na may mga patay na hayop at insekto. Lumalabas na rin yong mga sosy na ka-eskwela. May mga color na double may lapis na bensia, may pencil case na bilog, at nagiipon ng coloring paper na free sa art candy. Umiyak si Enrico kasi nilagyan ni Melinda ng bubble gum sa ulo sa inis ayon di nya maalis. Pinatawag sila Rodolfo kasi nanunuod ng mga kaeskwelang nag Chinese garter pagkatapos sasabihin ang kulay ng panty. ‚"Pula, ay Dilaw... ha..ha..ha..ha. Tuloy pa rin ang nutri-bun, may ibinigay pang Quaker at burgor na ayaw naman naming kainin noon. Isang bata, isang kilo. Yung burgor ginawang kape ni lola. Ginawang parang Egg Hunt bago mag- Christmas vacation Si Ernel nanalo kc nakakita at nakakuha ng itlog na maliit itinago sa compound ng school pero di nanalo sa palasebo na puno ng saging. Usong laro Tumbling. Magipon ng pakete ng sigarilyo itataya sa Cara Y Cruz.  Nananapat pag uwi ang labas sa Tabon sa likuran ng kono. Mais at sibuyas ang tanim sa garden flat.  May Flute na plastic na kulay green si Mr. Magno at itinotono.  Last year na ni Daisy at Ernel lumipat na sila ng school noong Grade-4.

Grade 4-Puro kanta lang kay Mrs. Villarico tapos pinakokopya yong artwork ng anak nya. Yung mga babae pinagluluto sa likuranbago magtanghalian. Malaki ang room kaya ginagawang bendingan ng mga babae. Nag test ng lakas ng estudyante may pagtatapatin at magtatakbuhan si Bernie ang katapat ko. Ako unang nakatapos. Si Intoy ang new kid on the school. Pag-uwian sila Juvy kasabay kong umuwi.

Grade 5-  Nang mag leave si Mrs. Angeles si Mr. Matunan ang pumalit. Love noong nga bata kasi mapagkwento at noong umalis nalunkot ang marami. Hate nila si Mrs. Magno, Science teacher kasi estrickto pero ma re-realize mo na sa pagtuturo talaga siya.Umaakyat ako sa puno ng Banaba sa tabi ng room kumukuha ako ng dahon na ginagawang tsaa ni lola. Tanim sa garden Kamatis. Ipinagpalit ko ng manga ang picture ni Winnie Santos kay Angelita, kasi yung mga babae paborito Apat na Sikat. "Carinosa‚" ang sayaw sa stage.. Tanana-na-nan-ta-na-na-nan. Si Marilou ang patner ko kasi pareho kaming maliit. Nag brown-out umuwi na ako di na namin hinintay magkailaw. dahil nakasayaw na. 

Grade 6- Tan-na- na-nan-nanan "Let‚ Bolt-In". Pinagsama na ang dalawang sekyon kasi kulang ng teacher at medyo konti na lang ang iba ay lumipat na ang iba ay di nagpatuloy. Motto na nakalagay sa room... ‚"Today is the Best  Preparation for Tommorrow‚" pinakabisado ang kantang ‚"Graduation Day"‚ at ipinakakanta sa amin yong kantang ‚"Today‚". Kung nakalimutan mo na ang kanta mag search ka sa YouTube kung di ako nakkakamali by Bobby Goldsboro or Clen Campbell ang nagturo si Miss Bernabe. Bilib si Mam Estrella sa nanay ni Elson kasi umuwi para lang sa meeting sa graduation. Sayaw ‚"El Bimbo". Naglakad papuntang lote sa bahay ni Mrs. Estrella nag paktis. Si Angelina ang bida sa Drama.

Kung akala mo kulang ang pagkabata mo...Think twice...Dahil Tag-ulan man o Tag-araw, Tag-ani man o Taniman ay masaya pa rin kakapagtatakbuhan tayo sa walang semento o aspaltong kalsada na walang mga basag na bote o pako na tumitimo sa ating mga paa. Nakakasalubong ang mga kalabaw na may hilang kariton o paragos. Kumakain ng mais o tubo habang papasok o pauwi. Maraming makukulay na tutubi na umaaligid. Kung sasabihin natin na mahirap lang tayo noon dahil wala ng ibang bagay. Sa palagay ko tayo ang mga batang pinakamayaman sa naging adventura ng buhay.

(Teka... bakit naiyak ako)

Sa mga naging kaklase ko‚" Salamat sa isang makulay na pahina ng paglalakbay".  

Martes, Nobyembre 19, 2013


ARTIST DAW?

Sabi nila karamihan sa artist ay sira ang -ulo. Hindi totoo dahil kami ang nagpapaintindi ng mga bagay na di maintindihan o gumagawa ng paraan para makita ang di nakikita kahit ito ay isang kasinungalingan. Nabigyan ng mukha si Kamatayan. Nagkasungay si Satanas at may tinidor na dala, napalipad si Superman kahit kapa lang at walang pakpak. At ang malala nakalipad si Darna dahilan sa bahag. hindi kaya mas sira ang ulo ng mga napaniwala.

Sasabihin mo sigurong weird ako pag sinabi kong gusto kung pintahan ang mga nitso ng cartoon characters. Tatawa ka siguro ng tatawa. Bakit ba habang nandyan kasi tayo sa sementeryo ay lungkot ang nadadama. Di ba mas maganda na masaya. At kung may magtatanong ng ganito ‚"Nasaan ang puntod ng nanay mo?‚" ay masasagot mo‚"Ayun nakikita mo ba si Dora the Explorer iyon‚" eh bakit Dora‚"Mahilig kasi siyang mag travel‚" o kaya naman ay mga shapes" Nandoon ang mga ninuno ko sa Polka Dots na Red na nitso".  Syempre sisikat din ang bayan. " San Antonio Bayang may Masayang mga Nitso"

Ang artist kasi kung minsan ay mahirap maunawaan parang walang katapusan ang ibibigay sa yong idea Unlimited.

Lunes, Nobyembre 18, 2013



Kabalyero at Golden Shower

Pag buwan ng Abril, Mayo hanggang Hunyo nagkakaroon ng Magic ang puno ng Kabalyero at Golden Shower.  Mamamangha ka dahil halos wala itong mga dahon at ang makikita mo ay ang mga bulaklak na nakakabit sa kanilang sanga. Minsan sa isang taon mo lang ito makikita at pagkatapos noon maghihintay ka na naman ng panibagong taon.

Matagal na rin akong di nagpipinta. Gusto kong bumalik sa pintura at canvas pero parang di pa maamo ang panahon marami pang dapat gawin. Marami pang mga dahon na sumisibol sa aking buhay kaya di pa muling nagkakatalulot ang aking isipan upang gumuhit o ipinta ang bunga ng imahinasyon.

Di ko pa matanto kung kaylan darating ang pahahong iyon. Panahon na muling mamumulaklak ang isipan sa dami ng konsepto. 

Linggo, Setyembre 22, 2013



 ULAN


Pag tag-ulan ang bahay namin ay napupuno ng insekto. Wala kasi kisama ang ibang bahagi nito na dinadaanan ng mga sari-saring insekto at kulisap.  May salagubang, sasamba (praying mantis) tutubi at kung ano ano pa. pero pagdating ng umaga ang mga maliit na patay na insekto nalang ang makikita mo sa sahig.

Marami rin kaming kaibigang butiki, na sinasamanlala ang mga insektong pumapasok sa bahay. Ayaw maniwala ni misis ng sinabi ko sa kanya na mayroong butiki na nalawang buntot akong nakita. Siguro kung ang maga butiking iyon ay naging malalaking tuko noong panahong naloloko ang mga tao sa tuko ay mayaman na kami at di ko na kaylangang mag abroad.

Pag sinindihan naman ang ilaw namin sa harap ng bahay maghintay kalang ng ilang sandali ay magkakaroon na ng palaka para manginain. Dati inis na inis ako sa mga palakang malalaki ngunit ngayon ay naaawa ako pag may nakikita na nasasagasaan sa kalsada. May palakang maliit pero parang baka kung kumokak o humuni.

Minsan tuloy parang ayaw kong matulog ng gabi. Gusto kong pagmasdan sila na natutuwa sa mga mumunting liwanag at sa mga patak ng ulan.

Pagkatapos ng ulan para bang ang lahat ng paligid ay kay linis, kaysarap maglakad sa kalsadang nasa kabukiran. Makakahinga ka ng maluwag.

Miyerkules, Agosto 7, 2013



Panginorin

Noong bata ako pag may bagyo o ulan, pagtingin ng matandang dalaga kong lola sa langit sasabihin niya na... "Mabilis ang takbo ng Panginorin".  Hanap ako ng hanap ng tunay na kahulugan nito. Kasi ang pagkakaalam ko ito ay ang manipis na ulap na mabilis ang takbo, kaiba sa makapal na ulap na may dalang ulan.

Nakasakay na ako ng eroplano at  pag sumisilip ako sa bintana ay mga ulap ang nakikita ko. Nasaan na kaya ang PanginorinAng tinitingala ko noon tuwing may malakas na ulan at bagyo. Saang sulok kaya siya itinataboy ng hangin. Gusto kong malaman kung ito ay katulad ng isang singaw na sa sandaling panahon ay lilitaw at mapaparam. 

Kung minsan pag-dumating sa atin ang unos ng buhay.  Naidadapa tayo ng hampas ng hangin. Subalit tatayo ka at lalaban dito ng pasalungat kahit mulit-muli kang mabuwal kahit ang haging iyon ay may dalang tubig o isang "Panginorin".

Narito ang ilan na kahulugan ng "Panginorin"
Are you looking for the meaning of (kahulugan ng) panginorin?
Panginorin is a Tagalog or Filipino word that means kalangitan (the heavens).
It can also refer to the clouds (mga ulap).
Panginorin is also the name of the tribal chief of the Tagalog Karilaga tribe. He was one of the suitors of the Daragang Magayon, the heroine in the legend of Mt. Mayon in Albay, Bicol, Philippines.
We don’t know why some webpages define panginorin as ambient. They’re probably referring to the atmosphere?
Sana po ay nakatulong itong depinisyon na panginorin sa inyo! 

Martes, Agosto 6, 2013


Pak...Kalapak ... Manggang Bitak,
Bog...Kalabog...Manggang Hinog 

Marami na namang kalat na dahong tuyo  ang mga mangga. Matapos nitong magbunga sa kadahilanang nagpapalit na ito ng dahon. Sumisibol na ang mga murang dahon kaya ang mga magugulang at madilaw ng dahon nito ay unti-unting nagpapaalam sa mga sanga. Nasa mahigit na sampung puno ang mga ito.

"Parang may ulan na pumapatak sa mga dahon".  Subalit wala namang patak. Kaya tiningnan ko ang mga bagong dahon nito. Nabigla ako puro insekto, tinatawag na ngusong kabayo. Matapos ang anihan ng palay ay lumipat ang mga ito sa
mga punong kahoy.

Kaya pala sa tuwing hapon ay kay daming timpapales o langay-langayan na umiikot sa aming bakuran. Marahil ay nanginginain ng mga insekto. Nakakatuwa itong pagmasdan... wala silang kapaguran sa paglipad.

Sa gitna na aming bakuran ay may isang matandang puno ng mangga na sa pakiwari namin ay nasa mahigit isang daang taon na. Punong ginagawang katatakutan ng mga nakatira sa paligid namin. May Kapre daw ditong naninirahan. Pati si tatay ay marami ring kwento. Nang mabangal o mabali ang malaking sanga nito ng
walang malakas na hangin o ulan, ay sinasabi na umalis na ang Kapre na namamalagi sa puno.

Natutuhan na naming mahalin ang matandang punong ito kahit di na nagbibigay ng maraming bunga. Sa umaga nagiingay na ang kasaykasay "Kingfisher" na ibong nasa itaas nito. Sa magtatanghali nandoon naman ang mga Maria Capra na nagpapalipat lipat sa mga sanga. Naaakyat ng mga anak ko at ng mga bata nilang kalaro ang sangang halos nakasayad sa lupa. Kung minsan kinakausap ko sinasabihan ko ng problema. 

May bahid din ng awa sa puno pagnakikita ko ang mga pinagdaan
ng mga nabangal nitong sanga.

Alam kong darating din ang panahong magpapaalam siya, katulad ng mga punong matatanda sa palagid namin na nauna nang lumisan. Sa kadahilanang ang karamihan nito ay wala ng laman ang parteng ubod ng puno o butas na.

Pag sobrang kulit ng mga anak ko pag gabi na ay binibiro ko na dadalin ko sa puno ng mangga. At magtitinginan ang mga ito at iiling. 

Pagdating ng panahon alam kong maaalala rin nila pag nawala na ang punong ito. Na minsan ay may isang malaking punong mangga na sa araw ay kalaro nila at pag dilim ay kinatatakutan na. 

Kaya lang sa panahong iyon limot na siguro ang awit na ipinamana ng aking mga ninuno..."Maria Capra magsayaw ka, sa ituktok ng kareta. Bibigyan kita ng isang pera. Pambili mo ng baro't saya. Sayang pula..tatlong pera, Sayang puti...tatlong salapi, Bog.. Kalabog mangang hinog...Pak Kalapak manggang bitak".




Linggo, Hulyo 28, 2013



Lipad

Mahaba ang araw... alas 6:00PM  na mataas pa ang araw. Tapos na rin ang oras ng trabaho. Lakad-lakad iyon ang nasa isip ko kaya pag dating sa highway ay bumaba ako naglakad 
papuntang Haraj (harrads-ang bigkas nila)

Sa halip na bilisan ko ang paglakad ay napalinga ako sa canal (malapad at parang daanan ng irrigation  subalit kaunting tubig lang na marumi ang dumadaloy). May mga ibon ibat-ibang ibon na naginginain marahil ng mga insektong nabubuhay at nagpupunta sa tubig.

Napahinto ako at pinagmasdan ang mga iyon. Nakatutuwa na kahit sa halos sa katabi nitong kalsada na maraming truck at at sasakyan ang dumadaan ay panatag lang sila sa paghahanap ng pagkain. May maliliit na parang langay-langayan, may mahaba ang paang parang tikling, may puting may halong kaki na mas malaki sa kalapati at may parang tagak na itiman.

Maikumpara ko tuloy na mas mabuti pa ang mga ito di nababalisa. Kung ang tubig ng kanal ay may lason o wala. kung may taong babato sa kanila. Kung maingay man ang nagdadaang mga sasakyan. Kung anong oras na para magmadali... at kung anu...ano pa.

Malaya nilang nalalakbay ang kalawakan, nakakapunta o magmigrate sa ibang lugar na di kailangan ang mga papeles upang humanap ng pagkain at mabuhay. Hindi na kailangan ang passport at nga kabawalan na ginawa ng tao.

Sa paglipad mo na gaya ng ibon ay marami ka bang kasama,
O nagiisa ka na tumatahak at naglalagalag upang sa dapithapon ay bumalik sa pugad.


Lunes, Hulyo 8, 2013


Nobela

Ang salitang bestseller ay napallitan na ng number of  followers o viewers o number ng likes at shared. Ang mga alamat at kwento ay di na binabasa, kundi pinanuuod o pinakikinggan sa YouTube.

Unti-unti nang tinatakpan ng ulap ang mga Love Story nila Neriz, Cabral, Bautista at iba pa na paborito ng mga teenager noon. Mga pocketbook na Pilipino na nag papakilig sa damdamin ng mga dalaga ng 90's.

Naalala ko ang aking asawa na adik-adik noon sa pocketbook. Bumibili, nanghihiram at nagpapahiram at kung minsan pag galing ako ng Maynila at napunta sa National Bookstore ay bumibili ng ilang piraso para pasalubong.

Isang araw may kausap na matandang lalaki si misis. Kaya ng umalis ito ay tinanong ko kung sino.  "Si Ka Renato ( di tunay na pangalan)" "Bakit nagpunta sa iyo" "Kasi di pinapansin ng mga anak, nag sisentimento" at doon ko nahimay ang isang nobela na aabangan ang katapusang kabanata.

Napag-alaman ko na naging isa itong nobelista. Kumita sa mga kuwento na kanyang ginawa. Subalit gaya ng mga nobela dumating ang panahon at nasubok ito ng buhay natangay sa magagandang kabanata nagkaroon ng ibang pamilya at di napagtuunan ang mga anak sa tunay na pamilya.
Kaya ng dumating ang panahon na   mamimili sa sangang-daan sa pagpunta niya sa dapit-hapon  ng buhay ay natanto ang kanyang pagkakamali at bumalik sa dating tahanan.

Hindi naging madali, hindi ito naging magaan. Hindi nya rin masisi ang mga anak kung bakit di kaagad matangap.

Lumipat na kami ng ibang bayan ni misis sa aming tahanan ngayon. Pero ang kwento ni Ka Renato ay di ko na alam. Kung ang kanyang kwento ng buhay ay naging katulad ng mga happy ending na nobela niya. Di ko naman tinatanong si misis baka kasi isipin na nanghihimasok  ka sa buhay ng iba.
Kaya lang  tulad ng pagbabasa ng nobela nabitin ako dahil napilas at nawala ang mga huling pahina.


Linggo, Hunyo 23, 2013



pentimento |ˌpentəˈmentō|
noun ( pl. -menti |-ˈmentē|)
a visible trace of earlier painting beneath a layer or layers of paint on a canvas.

Nahilig din ako sa libro, sa pagbabasa noong binata pa ako, pag walang  ginagawa. Nagkakalkal at tumitingin sa mga paperback na walang takip, may water damage at kung ano ano pang pagkasira na di naman nakaka apekto sa mga panloob na pahina ng libro.

Nakabili ako noon ng lumang libro at ito ang title "Pentimento". Ang pakikisalamuha ng novelista sa bawat bahagdan ng buhay, Maikukumpara natin na minsan lahat tayo ay pintor na binigyan
ng isang canvas, isang set ng pinta na lahat ng kulay ay naroon, mga brush at kung ano ano pang kailangan sa pag-guhit.

May gumuguhit na diretso at tiyak na ito ang kanyang gusto. May ilan namang nagbubura dahil di alam kung anong ang gustong iguhit sa dami ng idea at nasa isip. Ang iba naman ay halos tapos na ang naipinta at ito ay buo na ngunit nagbago ng pagiisip at pinatungan ng panibagong  pinta ang natapos na na obra.

Sa paglipas ng panahon kung minsan ay gusto mong balikan ang mga simpleng guhit ng buhay, ngunit di mo na magawang makita ang tunay na kulay nito. Naaaninag mo pa rin sa isip at gunita subalit di tulad ng dati na napakalinaw dahil may bahid at patong na ng kasalukuyang  kulay ng buhay.

Martes, Hunyo 18, 2013




LP at CD

Sabihin mo man na ayaw mo ng pagbabago wala kang magagawa
kundi tanggapin ito. Masasabi mo ring mapalad ka at may silbi kung tinatanong ka ng anak mo kung ano iyon o ano ito at naipaliliwanag mo ng tama. 

Nagkwento sa akin ang anak ko tungkol sa Aratiles. Tinanong sila
kung sino ang di pa nakakaalam noon.  Tama ka, meroon kahit sa probinsya. Di naman nakapagtataka, kasi iba na ang panahon nila, marami na rin kasi na nasa probinsya ang nangungupahan at ang iba naman ay halos wala ng lugar ang mga halaman. Kaya ang aratiles na di mo nakikita sa palengke at tindahan ay di mo malalaman.

Bakit ba ako nanghihinayang sa mga panahon na uso pa ang plaka na 45 ( isang kanta lang bawat side). Siguro sa kadahilanang di kami nagkaroon noon at di ko nakuhang magpatugtog sa phono 
hanggang makasira ng karayom (tawag sa bumabasa ng lalim o babaw ng mga animo linya sa plaka). Ang alam ko lang kasi noon pag mag-gragraduation at kasali ka sa sayaw ayon laging meron sa school, na pagka nagasgasan ay paulit-ulit ang tunog. At ang guro na nagtuturo ay  ang tanging alam na  solusyon sa gasgas ay lagyan ng chalk.

Nakarating ako ng bayan noong ako ay High School. Puro lakad lang at kung minsan ay nakaangkas sa bisekleta ng kaklase. Doon may narinig akong tugtog, pero di na galing sa phono kundi sa parang maliit  na aparador at hinuhulugan ng barya. Jukebox ang tawag  pero kung sisilipin mo ay makikita mo parin ang  nga plakang 45 na nakaayos sa loob. 

Pag may Chrismas Party sa school ay mayroon sa bawat room na phono at mga plakang 45.at ganoon lang masaya na. 

Subalit di nagtagal ay halos ayaw ng bumili ng 45 dahil dumating ang LP o Long Playing Records na mas maraming tugtog o kanta anim o higit pa sa bawat side o baligtaran. 

Ilang dekada din ang naging buhay ng LP nagtagal ito hangang 1990's nakipagsabayan sa cassette tapes napatugtog sa mga mobile disco at kung ano anong mixing ang ginagawa. Subalit tulad din ng
manganganta na nalalaos, nagpaalam din ang kanyang kasikatan.

Dumating si CD, Compact Disc, pulido ang tugtog di nagagasgas na akala moy di malalaos. Subalit heto na naiinis ka na rin sa kanya dahil wala ng ispasyo sa bahay o bag para sa kanya.
kaya kailangan mo nalang na magdownload ng kanta na kahit sa mobile phone mo ay pwede ng mapakingan at ulitulitin pa.

Kaya kung magtatanong ang anak ko kung ano ang plastic na itim na bilog na malapad, may butas sa gitna at binibili ng antique collector ng 50 pesos ay may isasagot ako.

Swerte pa rin pala ako dahil nakapagdesign pa ako ng mga cover nito bago mawala sa record bar.

Lunes, Hunyo 17, 2013



Maglakad...Maglakad


Medyo malapit lang ang Harajj (bilihan ng bago at mga second hand na gamit damit at iba pa) sa factory kaya paminsan minsan ay nilalakad ko pag gusto kong pabagalin ang panahon. Wala naman akong siguradong bibilin, basta gusto ko lang maglakad-lakad at tingnan ang mga tinda. Maghalukay kahit di bibili at umupo sa bench pag napagod at
pagdilim ay uuwi na at matutulog.

Nakakainis kasi kung minsan sa accomodation ng kompanya nagsasawa ka rin sa mga kwentong walang pupuntahan o sa panunuod ng TFC the Filipino Channel.

Maraming chocolate kung minsan, mamahaling chocolate... na doon lang ako nakakatikim. Sa kadahilanang nanghihinayang kang bumili sa supermarket dahil sa halip na tikman mo ay naiisip mo ang pamilya mo kaya kailangan mong magtipid . Doon murang mura lang sa  kadahilanang isang buwan o kalahating buwan na lang ay expired na, Subalit  ayos pa naman Swiss o German chocolate pa. Kaya habang naglakakad ako ay tinutunaw ko sa bibig ang chocolate... iba ang lasa malayo sa curly tops at goya.

Doon may sando na 2 riyal 22  pesos naghalukay ako medyo matagal ng stock at ang iba may mantsa pa pero pwede pa madadaan naman sa pang-alis ang  mantsa. May polo na 5 riyal at kung masipag kang maghalukay pag araw ng Huwedes ng hapon at biyernes ay may mga 2nd hand na damit na 2 riyals.

Marami rin ang pinoy na naghahalukay ang iba may dalang sako para lagyan.  Kung minsan tinatanong ko sila kung 
bakit napakarami ng binibili at ang isasagot ay "Pababagahe papuntang Pinas ibibigay sa  mga kamag-anak".. Ganyan ang ibang Pinoy na kahit mababa ang sahod ay halos di na iniisip ang sarili ang iniisip nila ay kung papaano mabibigyan ng konting saya ang pamilya at kamag anak.

Sa paglalakad ko at pag upo sa bench ay marami akong nakuhang kwento nandyan ang tranker driver
na halos iyakan ng anak na umuwi para sa kanyang debut, may iniwan ng asawa pinagpalit sa nakakilala sa internet
na tinatanong pag nagbabakasyon kung may dalang pera sinagot niya ng mga remittance receipt o resibo ng padala
sa kanila.

Minsan ang buhay ay parang walang katapusang paglalakad,  na paminsan-minsan
ay kailangan mong huminto at umupo upang luminga linga at tingnan ang dinaanan na panahon.



Tunay na PACMAN

Kulay dilaw si Pacman. Walang ginawa kundi kumain ng power pellet.
Huwag lang siyang pahuhuli at pasisilo sa mga kalaban at tiyak
itong mabubusog at mag le-level-up.

Oo tama ka laro lang si Pacman... pero gumagalaw siya, kasi may
totoong Pacman akong alam na di na nito kailangang lumakad
upang kumain. Ang mga power pellet na ang pumupunta sa kanya
para kainin at tiyak na mag le-level up ito pag nakakain.

Madaling araw ang departure ko papuntang Saudi, sa kadahilanang
Biyernes Santo ang alis ko, ay nagpasya akong Huwebes pa lang 
ng gabi ay lumuwas na. Katulad ng nakagawian di naman ako nagpapahatid
sa pamilya ko basta sasakay lang ng bus at jeep, ay makakapunta ring sa
airport. Ganoon lagi kaya pakiramdam ko pumunta lang ako ng Maynila.

Pagdating ko sa airport ay umupo ako sa upuan ng mga naghihintay ng oras.
Paminsan-minsan ay napipikit pero di ka naman makatulog.
Doon ko nakita ang tunay na Pacman marami na naman ang power pellete
na kakainin nya. Nagtatanong siguro kayo kung ano ang itsura o mukha
ni Pacman... si Pacman ay di boksingero...di tao..di hayop.. ito ay pintuan.

Habang pinagmamasdan ko ang metal na sign ng Ninoy Aquino 
International Airport ay biglang bumulaga si Pacman. Doon ko na napagisip-
isip na isa na naman akong pagkain niya.  Gusto kong tumakbo palayo sa
kanya pero ang isip ko ang nagdidikta na kailangan mong ipakain ang
sarili mo para mabuhay ang iba ... na di mo rin tiyak sa pagdaan ng panahon 
ay kakainin din ni Pacman. IMMIGRATION door ang tunay na Pacman
na kumakain sa mga papaalis na  OFW (Oversear Foreign Worker).
Tiyak na mag le-level up ito dahil sa pababa at pababang dolyar.

Kaya kung tatanungin mo ako... Naniniwala ako na may Pacman.
Si Pacman ay totoo at nasa ibat-ibang anyo ng buhay.